Isa na namang panaginip ang bumulabog sa aking mahimbing na pagtulog noong isang araw. Nasa loob ako ng isang opisina, nakaupo sa upuan at nakaharap sa mesa. Mayroon akong hawak na kartolina at lapis habang nakakalat naman ang mga krayola, mga art materials at ilan pang mga papel sa mesa. Mayroon pa akong mga kasama sa kwarto, isang babae at isang lalaki, kasing edad ko sila at kami ay nagtatrabaho sa isang opisina. At habang kami'y nagtatrabaho, may biglang pumasok na bata sa silid.
Ito ang itsura ng unang batang nakita ko |
Tinanong ko siya kung anong kailangan niya ngunit hindi siya sumagot. "Bata, may kailangan ka ba?" muli kong tanong ngunit sa halip na sumagot ay lumabas ito ng silid, ipinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay muling pumasok ang bata sa silid at muli, tinanong ko kung anong kailangan niya ngunit hindi na naman niya ako sinagot, tinaasan ko na ang boses ko. "Bata! Ano bang kailangan mo? Kanina ka pang pabalik-balik dito, ano ba talagang kailangan mo?" ngunit sa kabila ng pagtataas ko ng boses, hindi pa rin siya sumasagot, nakalagay ang kanyang daliri sa bibig niya habang ngumingiti sa akin. Nakakaloko ang ngiting iyon. Tumingin siya sa likuran ko na para bang may ibang tao doon, at laking gulat ko nang may dalawang bata nga sa likuran ko, isang babae at isang lalaki, hindi ko sila napansing pumasok sa silid. Nakakapangilabot dahil nakakaloko ang mga ngiting ipinapakita nila sa akin. Lumapit sila sa akin at pinalibutan nila ako, pilit nila akong iniipit sa loob, tinignan ko ang aking mga kasama, parang wala silang pakialam sa akin, abala sila sa trabaho nila't parang wala man lang nakikita o naririnig. Nang tigiloan na ako ng mga bata, lumabas ako ng silid at pagpasok ko, laking gulat ko na wala na ang mga kasama ko't ang mga bata, tanging isang babaeng nakaupo sa upuan at nakaharap sa mesang may taklob ng diyaryo ang mukha ang nasilayan ko. Tumingin ako sa labas para tignan kung saan nagpunta ang mga kasama ko ngunit nang ibalik ko ang tingin sa loob ng aming silid ay wala na ang babae. Nakakatakot. Nakakapangilabot. Hindi ko man lang napansin ang paglabas nilang lahat, ni hindi ko narinig o nakita ang paglabas nila. Iisa lang naman ang pintuan palabas ng aming silid, wala namang ibang daan palabas ngunit bigla na lamang silang nawawala na para bang bula.