Sunday, June 19, 2011

Masamang Panaginip

Madilim ang paligid, wala akong maaninag na kahit kaunting liwanag nang may biglang humila sa akin. Mayroon siyang hawak na patalim, pinagsasaksak niya ako at hiniwaan ang aking mukha, itinusok rin niya ang patalim sa pagitan ng aking ilong at bibig. Duguan na ako ngunit buhay pa. Ang mga sugat, mabilis na natutuyo, hindi sasakit kung hindi ko hahawakan. Buhay pa ako, hindi ko alam kung bakit o paano ako nakaligtas sa panganib. May isang  babaeng naka-uniporme ang nagsabi sa aking magtungo ako sa dulo ng canteen ng aming paaralan dahil mayroon daw pagpupulong na magaganap. Hindi ko makontrol ang sarili ko, kusang lumalakad ang aking mga paa patungo sa nasabing lugar. Hinihingal ako't hindi masyadong makahinga ang ayos, papikit na ang aking mga mata at maraming taong nakatingin sa akin. Parang wala silang pakialam sa akin, wala silang pakialam kahit na duguan na ako't halos mamamatay na. Naguguluhan ako, hindi ko alam ang nangyayari, hindi ba nila ako dadalhin sa ospital? Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi ng mga tao, wala akong marinig na kahit anong ingay. Mayroong problema ngunit hindi ko alam kung ano ito. Nakita ko ang aking kaklase noong 1st year, itago natin sa pangalang Mike. Nakatingin siya sa akin, mukhang nag-aalala ngunit walang magawa. Hinawakan niya aking kaliwang kamay at hinawakan ko rin ang kanya, base sa ekspresyon ng mukha niya parang sinasabi niya sa aking "Patawad kaibigan ngunit wala akong magagawa, hindi kita matutulungan..." Hindi ko namalayang nalagyan ko na pala ng dugo ang kanyang kamay ngunit ayos lamang iyon sa kanya. Parang bumagal ang takbo ng oras sa mga sandaling iyon, mas hinigpitan niya ang hawak sa aking kamay, naramdaman kong naaawa siya sa akin, gusto kong tumigil ngunit patuloy parin ang aking mga paa sa paglakad. Napabitaw na ako sa kanya sa sobrang kahinaan at nakarating din sa nasabing lugar ng pagpupulungan.

Mayroong mga estudyanteng nakapaikot, may pinag-uusapan, hinila ako nung isa't ipinasok sa usapan ngunit ito'y walang saysay dahil hindi ko naman sila marinig. Natapos na ang kanilang pag-uusap at naghiwa-hiwalay sila na parang maglalaro ng patintero, napansin kong nawala na ang mga tao sa loob ng canteen ngunit may ilan pang bumabalik upang manood sa nangyayari sa amin. "Tulong! Tulong! Tulungan ninyo ako! Maawa kayo, tulungan ninyo ako!" sigaw ko ngunit parang wala silang narinig, wala man lamang reaksyon, paulit-ulit ko itong isinigaw ngunit walang rumeresponde. Ano bang nangyayari? Nasakit na ang mga sugat at parang may isa pang tao salikod ko na sumasaksak sa akin ng patalim. Ang sakit! Sobrang sakit, lumuluha na ako ngunit walang reaksyon ang mga tao, sa wakas may narinig din akong tinig ngunit mas lalo lamang akong tinakot nito, "Hindi ka na makakaalis dito, wala ka nang kawala!" Mas lalo akong lumuha sa takot at dahil narin sa sakit ng mga sugat na unti-unting nahapdi. Pakiramdam ko'y lumalalim ang saksak ng pataim sa aking likod, kalat na ang dugo ko sa sahig ngunit may lakas pa ako para tumayo. Huminga ako ng malalim at sinubukang tumakbo ng mabilis, nagtungo ako sa pintuan, mayroong nakaharang na babae, "Huwag mo siyang paaalisin!" may narinig akong tinig mula sa likod ngunit nakabitaw ang babae sa pintuan kaya nakalabas ako. Tumakbo pa ako, ngunit pakiramdam ko'y wala na akong lakas pa para tumakbo, may nakahila sa akin, kasama siya sa mga humahabol sa akin, nakita ko yung kaklase ko ngayong 2nd year, itago natin sa pangalang Jov. "Jov tulungan mo ako!" "Sorry ha! Peace!Hehe!" "Jov, nagmamakaawa ako sayo. Tulungan mo akong makaalis dito kung hindi, papatayin nila ako! Jov tulungan mo ako, hindi ako nagbibiro!" Kasabay niyon ay tumulo ang luha mula sa aking kanang mata. "HA!" nabigla siya't bigla akong hinila papalayo sa mga taong papatay sa akin. "Bilisan mo!" sabi ni Jov sa akin at natanggal na ang mga mabibigat kong sapatos sa mga paa ko, bumagsak ako sa damuhan sa sobrang pagod. Wala na akong lakas para tumayo, sobra akong nanghihina, pumikit na ang aking mga mata at tuluyan na akong nakatulog.

Nagising akong nasa loob ng isang kwarto kasama ang Prefect of Dicipline ng aming paaralan. Pinarusahan ang mga taong sangkot sa gulo at naligtas ako, nawala na ang mga sugat ko at natanggal narin ang mga patalim na nakatusok sa aking katawan. Parang walang nagyari, walang bakas ng kahit anong sugat sa aking katawan, nakakamangha ngunit parang ang gulo. Hindi ko parin maintindihan ang mga nangyari. Hindi ko alam kung bakit ako nagkaroon ng ganitong klaseng panaginip, ayoko nang maulit pa ito. Nagising na ako at sa oras na ito nasa totoong mundo na ako, pagod na pagod, hinihingal at balot ng takot. Nanlalamig ako, agad kong tinawag ang aking ina at agad ring niyakap ito ngunit hindi ko parin ito nasasabi sa kanya hanggang sa mga oras na ito. Pero hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga, nagising na ako sa bangungot kong iyon. Hindi naman siguro iyon magkakatotoo hindi ba? Ayoko talaga ng ganoon. Natatakot ako.

No comments:

Post a Comment