Sunday, June 26, 2011
Bangungot
Noong Biyernes, kanselado ang klase dahil mayroong bagyo kaya narito lang ako sa bahay namin. Dalawa lang kami ng pinsan kong babae sa bahay. Naulan, malamig, nakakatamad kumilos at nakakaantok kaya nagpasya nalang akong matulog. Matapos ang ilang minutong pagkakahimbing sa kama, nagising ako sa isang ilusyong mundo, bumukas ang pinto at may pumasok na tao. Hindi ko siya masyadong makita dahil hindi ko maimulat ng maayos ang aking mga mata, hindi ko rin maigalaw ang aking katawan na para bang may kung sinong pumipigil sa akin. Ngunit sa kabila ng sitwasyon kong iyon ay naaaninag ko siya, sinisilip niya ako at mukhang sinisigurong tulog talaga ako. Maya-maya lang ay may tumunog at naaninag kong may kung anong kinukuha siyang gamit. Patuloy sa pagkaluskos ang misteryosong taong pumasok sa aking silid ngunit nang gumalaw ako, tumigil din ang kaluskos (salamat at nakagalaw na ako). Tumayo ako at sa wakas ay may lumabas narin na tinig sa bibig ko. "Sino ka? Bakit ka nandito? Anong kailangan mo?" tanong ko ngunit hindi siya sumasagot at sa halip ay tumawa lang siya...babae ang tinig. Kinalabutan ako't natakot, "Sino yan!? Sumagot ka!" sigaw ko ngunit patuloy lang siya sa pagtawa. Nawala na muli ang boses at hindi na ulit ako makagalaw, mas natakot na ako dahil ramdam kong palapit na sya sa akin. Gusto kong umiyak ngunit hindi ko magawa, gustong kong sumigaw ngunit hindi ko magawa. Parang may pumipigil at sa wakas ay nagising na ako sa totoong mundo. Nakahiga ako sa kama, sarado ang pinto at walang ibang tao sa silid kundi ako lamang. Hingal na hingal akong bumangon sa kama't agad lumabas ng silid dala ang takot na baka mangyari iyon muli. Parang may nais ipahiwatig ang panaginip kong ito, para bang may bagay na pinipilit kong tuklasin ngunit may bawal, may pumipigil sa akin. At para bang ang taong pumipigil sa akin sa pagtuklas niyon ay nariyan lamang sa paligid at napakalapit lamang sa akin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment