Sunday, October 9, 2011

Amelie

Dear Amelie,

       Maraming salamat sa lahat, sa pagiging kaibigan at kapatid mo sakin. Pasensya ka na kung minsa'y nagtatampo ako sayo, at patawad sa lahat ng nagawa kong mali sayo. Masaya ako at nakilala kita, salamat sa mga payo mo, sa mga pag-unawa mo, sa tulong mo, sa pagtitiwala mo, sa suporta mo, sa sayang idinulot mo sa amin, at sa pagiging parte ng buhay ko. Alam mo kung hindi dahil sayo, hindi ako mapapasok sa mundo ng teatro...masaya ako't dinala mo ako sa mundong 'yon. Sana 'wag mo kaming kalimutan sa paglisan mo, sana lagi mo kaming maalala. Napakaikli man ng oras na pinagsamahan natin, napakalalim naman ng mga alaalang inawan mo sa aming mga kaibigan mo. Hindi ka namin makakalimutan Amelie! Ingat ka at sana mas maging masaya ang buhay mo. Lisanin mo man ang Pilipinas, hindi mo naman nilisan ang aming mga puso. Walang kalimutan ha! Salamat muli sa lahat lahat! Hindi kita makakalimutan Amelie...Maging maayos sana ang paglisan ninyo.
               
                                                                               Ang 'yong kaibigan,
                                                                                          Ica

Saturday, September 10, 2011

Pagkatao

Tulala.
Nakatingin lang sa aking lecture
Kunwari ay nag-aaral ngunit ang totoo
Walang kahit isang pumapasok sa utak ko.
Kasi hindi yung pinag-aaralan ko yung iniisip ko, IBA.
Iba ang tumatakbo sa isip ko, IBA.
Sarap ng buhay. PAYAPA.
Walang gumagambala sa akin, parang wala ako sa paligid
Tahimik lang na nakaupo, nasisikatan ng araw habang nagsusulat
Pili lamang ang nakakapansin, parang hangin lang
Wala naman akong ginagawa ngunit napapansin ako.
Ang daming tao sa paligid, ang daming tunog.
Maingay at magulo ang paligid.
Masaya ang mga tao, teka, masaya nga ba sila?
Ang daming dumarating,sino kayo?
Ang daming tinatanaw, sino sila?
Alam ko ang itsura ngunit hindi ang pangalan
Alam ko ang pangalan ngunit hindi ang ugali
Alam ko ang ugali ngunit hindi pagkatao
'Yan ang misteryo at sikreto ng bawat tao
Ang kanilang PAGKATAO. 

Friday, August 26, 2011

Ilusyon

Maraming tao sa paligid, mga makulay ang ugali, masaya sila't nagtatawanan ngunit pare-parehong pikit ang mga mata sa tunay na mundo. Lahat nabubuhay sa ilusyon, lahat hindi alam ang nangyayari pero wala silang pakialam basta't may kasama, wala sa kanila kung ilusyon lamang ang tao. Maraming tao sa paligid pero walang may pakialam sa ilusyong mundo, sa ilusyong mundo. Sa ilusyong ako, sa ilusyong ikaw, sa ilusyong tayo. Lahat ay binabase lamang sa kung anong nakikita nila at hindi sa kung anong tunay na nararamdaman. Ang makukulay na ugali ng mga tao sa paligid ay ibang-iba sa aking sarili. Oo, makulay din naman ako ngunit madalas ay kumukupas din ito. Dahilan para mawala ang mga tao sa paligid, dahilan para mas lalo silang maligaw, maloko sa ilusyong mundo, dahilan upang hindi mahanap ang tunay na mundo.

Saturday, August 20, 2011

Kahibangan

Muli na namang nakagat ang dilim
Masisislayan na muli ang buwan
Mabibighani nan naman ako sa buwan
Kikislap na muli ang mga bituin sa langit
Lalamig na muli ang simoy ng hangin
At giginawin sa pag-ihip ng hangin
Naririnig ko na ang tumog ng mga kuliglig
Ang tunog ng eroplanong tumatawid sa himpapawid
Ang mga tao'y nagsisiuwian na
At narinig ko na ngang binuksan ang makina
O kay sarap ng buhay na kay payapa
Kay sarap ng oras na tahimik
O ayan na dumarating na
Nakakabinging katahimaika'y sumasapit na
Lumisan na ang mga tao
At ako'y naiwan na dito
Nag-iisa.
Walang kasama.
At tanging bolpen lamang ang sandata
Upang masabi ang nasa isipan
Kukuha ng papel at doon ilalapag
Aga ideyang nakakulong sa utak

Lumalalim na ang gabi
Dumidilim na ang paligid
At kung anu-ano na lang ang pumapasok sa isip
Mayroon kayang sumisilip sa bintana?
Nakatanaw sa aki't iniisip ang aking ginagawa
Ano kaya ang puting bagay na aking nakikita?
Sa gitna ng kadiliman ito'y aking natatanaw
Nababalot na ng takot sa misteryosong puting bagay
Hanggang sa may kumalabit mula sa aking likuran
Agad nanginig ang aking katawan
Napasigaw ng malakas hanggang ako ay masampal
"Ano ba Lucia? Ito ako si Francesca!"
KAHIBANGAN.
Isang malaking ilaw lang pala ang aking natatanaw
At si Francesca pala ang nakadungaw sa bintana
Kung gusto ninyong magising sa kahibangan,
Halikayo't gawin ang aking ginawa
Kung gusto ninyo namang manakot ng sariling isip,
Lumabas ng bahay at huwag papasok
Hangga't hindi nakakatapos ng tulang tungkol sa gabi
Paalala lamang ito ay gawain, isipin at basahin
Sa gitna ng kadiliman sa kalaliman ng gabi.

-Lucia Luna-
________________________________________
Mula sa "ANG MGA KAHIBANGAN NI LUCIA LUNA" by Iris Gonzalez
Coming Soon. on Nabuo sa Aking Isipan at sa mga bookshelves ng inyong mga tahanan

Sunday, June 26, 2011

Bangungot

Noong Biyernes, kanselado ang klase dahil mayroong bagyo kaya narito lang ako sa bahay namin. Dalawa lang kami ng pinsan kong babae sa bahay. Naulan, malamig, nakakatamad kumilos at nakakaantok kaya nagpasya nalang akong matulog. Matapos ang ilang minutong pagkakahimbing sa kama, nagising ako sa isang ilusyong mundo, bumukas ang pinto at may pumasok na tao. Hindi ko siya masyadong makita dahil hindi ko maimulat ng maayos ang aking mga mata, hindi ko rin maigalaw ang aking katawan na para bang may kung sinong pumipigil sa akin. Ngunit sa kabila ng sitwasyon kong iyon ay naaaninag ko siya, sinisilip niya ako at mukhang sinisigurong tulog talaga ako. Maya-maya lang ay may tumunog at naaninag kong may kung anong kinukuha siyang gamit. Patuloy sa pagkaluskos ang misteryosong taong pumasok sa aking silid ngunit nang gumalaw ako, tumigil din ang kaluskos (salamat at nakagalaw na ako). Tumayo ako at sa wakas ay may lumabas narin na tinig sa bibig ko. "Sino ka? Bakit ka nandito? Anong kailangan mo?" tanong ko ngunit hindi siya sumasagot at sa halip ay tumawa lang siya...babae ang tinig. Kinalabutan ako't natakot, "Sino yan!? Sumagot ka!" sigaw ko ngunit patuloy lang siya sa pagtawa. Nawala na muli ang boses at hindi na ulit ako makagalaw, mas natakot na ako dahil ramdam kong palapit na sya sa akin. Gusto kong umiyak ngunit hindi ko magawa, gustong kong sumigaw ngunit hindi ko magawa. Parang may pumipigil at sa wakas ay nagising na ako sa totoong mundo. Nakahiga ako sa kama, sarado ang pinto at walang ibang tao sa silid kundi ako lamang. Hingal na hingal akong bumangon sa kama't agad lumabas ng silid dala ang takot na baka mangyari iyon muli. Parang may nais ipahiwatig ang panaginip kong ito, para bang may bagay na pinipilit kong tuklasin ngunit may bawal, may pumipigil sa akin. At para bang ang taong pumipigil sa akin sa pagtuklas niyon ay nariyan lamang sa paligid at napakalapit lamang sa akin.

Sunday, June 19, 2011

Masamang Panaginip

Madilim ang paligid, wala akong maaninag na kahit kaunting liwanag nang may biglang humila sa akin. Mayroon siyang hawak na patalim, pinagsasaksak niya ako at hiniwaan ang aking mukha, itinusok rin niya ang patalim sa pagitan ng aking ilong at bibig. Duguan na ako ngunit buhay pa. Ang mga sugat, mabilis na natutuyo, hindi sasakit kung hindi ko hahawakan. Buhay pa ako, hindi ko alam kung bakit o paano ako nakaligtas sa panganib. May isang  babaeng naka-uniporme ang nagsabi sa aking magtungo ako sa dulo ng canteen ng aming paaralan dahil mayroon daw pagpupulong na magaganap. Hindi ko makontrol ang sarili ko, kusang lumalakad ang aking mga paa patungo sa nasabing lugar. Hinihingal ako't hindi masyadong makahinga ang ayos, papikit na ang aking mga mata at maraming taong nakatingin sa akin. Parang wala silang pakialam sa akin, wala silang pakialam kahit na duguan na ako't halos mamamatay na. Naguguluhan ako, hindi ko alam ang nangyayari, hindi ba nila ako dadalhin sa ospital? Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi ng mga tao, wala akong marinig na kahit anong ingay. Mayroong problema ngunit hindi ko alam kung ano ito. Nakita ko ang aking kaklase noong 1st year, itago natin sa pangalang Mike. Nakatingin siya sa akin, mukhang nag-aalala ngunit walang magawa. Hinawakan niya aking kaliwang kamay at hinawakan ko rin ang kanya, base sa ekspresyon ng mukha niya parang sinasabi niya sa aking "Patawad kaibigan ngunit wala akong magagawa, hindi kita matutulungan..." Hindi ko namalayang nalagyan ko na pala ng dugo ang kanyang kamay ngunit ayos lamang iyon sa kanya. Parang bumagal ang takbo ng oras sa mga sandaling iyon, mas hinigpitan niya ang hawak sa aking kamay, naramdaman kong naaawa siya sa akin, gusto kong tumigil ngunit patuloy parin ang aking mga paa sa paglakad. Napabitaw na ako sa kanya sa sobrang kahinaan at nakarating din sa nasabing lugar ng pagpupulungan.

Mayroong mga estudyanteng nakapaikot, may pinag-uusapan, hinila ako nung isa't ipinasok sa usapan ngunit ito'y walang saysay dahil hindi ko naman sila marinig. Natapos na ang kanilang pag-uusap at naghiwa-hiwalay sila na parang maglalaro ng patintero, napansin kong nawala na ang mga tao sa loob ng canteen ngunit may ilan pang bumabalik upang manood sa nangyayari sa amin. "Tulong! Tulong! Tulungan ninyo ako! Maawa kayo, tulungan ninyo ako!" sigaw ko ngunit parang wala silang narinig, wala man lamang reaksyon, paulit-ulit ko itong isinigaw ngunit walang rumeresponde. Ano bang nangyayari? Nasakit na ang mga sugat at parang may isa pang tao salikod ko na sumasaksak sa akin ng patalim. Ang sakit! Sobrang sakit, lumuluha na ako ngunit walang reaksyon ang mga tao, sa wakas may narinig din akong tinig ngunit mas lalo lamang akong tinakot nito, "Hindi ka na makakaalis dito, wala ka nang kawala!" Mas lalo akong lumuha sa takot at dahil narin sa sakit ng mga sugat na unti-unting nahapdi. Pakiramdam ko'y lumalalim ang saksak ng pataim sa aking likod, kalat na ang dugo ko sa sahig ngunit may lakas pa ako para tumayo. Huminga ako ng malalim at sinubukang tumakbo ng mabilis, nagtungo ako sa pintuan, mayroong nakaharang na babae, "Huwag mo siyang paaalisin!" may narinig akong tinig mula sa likod ngunit nakabitaw ang babae sa pintuan kaya nakalabas ako. Tumakbo pa ako, ngunit pakiramdam ko'y wala na akong lakas pa para tumakbo, may nakahila sa akin, kasama siya sa mga humahabol sa akin, nakita ko yung kaklase ko ngayong 2nd year, itago natin sa pangalang Jov. "Jov tulungan mo ako!" "Sorry ha! Peace!Hehe!" "Jov, nagmamakaawa ako sayo. Tulungan mo akong makaalis dito kung hindi, papatayin nila ako! Jov tulungan mo ako, hindi ako nagbibiro!" Kasabay niyon ay tumulo ang luha mula sa aking kanang mata. "HA!" nabigla siya't bigla akong hinila papalayo sa mga taong papatay sa akin. "Bilisan mo!" sabi ni Jov sa akin at natanggal na ang mga mabibigat kong sapatos sa mga paa ko, bumagsak ako sa damuhan sa sobrang pagod. Wala na akong lakas para tumayo, sobra akong nanghihina, pumikit na ang aking mga mata at tuluyan na akong nakatulog.

Nagising akong nasa loob ng isang kwarto kasama ang Prefect of Dicipline ng aming paaralan. Pinarusahan ang mga taong sangkot sa gulo at naligtas ako, nawala na ang mga sugat ko at natanggal narin ang mga patalim na nakatusok sa aking katawan. Parang walang nagyari, walang bakas ng kahit anong sugat sa aking katawan, nakakamangha ngunit parang ang gulo. Hindi ko parin maintindihan ang mga nangyari. Hindi ko alam kung bakit ako nagkaroon ng ganitong klaseng panaginip, ayoko nang maulit pa ito. Nagising na ako at sa oras na ito nasa totoong mundo na ako, pagod na pagod, hinihingal at balot ng takot. Nanlalamig ako, agad kong tinawag ang aking ina at agad ring niyakap ito ngunit hindi ko parin ito nasasabi sa kanya hanggang sa mga oras na ito. Pero hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga, nagising na ako sa bangungot kong iyon. Hindi naman siguro iyon magkakatotoo hindi ba? Ayoko talaga ng ganoon. Natatakot ako.

Sunday, May 15, 2011

Ang Bawal (ibang paksa ang dulo)

Kung bawal o makakasama sa kalusugan ng tao ang mga bagay tulad ng alak at yosi, bakit nilikha pa ito? At sa ngayon na alam na natin na nakakasama nga ito sa ating kalusugan, bakit patuloy parin ang paglaganap nito? Bakit napakaraming tao parin ang patuloy na gumagamit nito? Sino ba ang lumikha sa mga bagay na 'yan? Kilala ninyo ba kung sino? Alam ninyo ba kung bakit niya iyon ginawa? Ang dami kong tanong, pasensya. Kani-kanina lamang ay nakakita ako ng isang patalastas ng isang alak sa telebisyon at may tanong doon ang lalaking nag-e endorse nito, "Bakit nga ba masarap ang bawal?" bigla akong napaisip, bakit nga ba masarap ang bawal? Ito ang isa sa mga katanungan madalas kong marinig ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nalalapatan ng sagot sa isipan ko. Alam ninyo ba ang sagot dito? Matutulungan ninyo ba akong bawasan ang mga bagay na iniisip ko sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan ko? Makulit ba ako? Sa tingin mo, bakit ang dami kong itinatanong sayo? Nakukulitan ka na ba? Ayaw mo na bang tapusing basahin ang walang katapusan kong mga katanungan pero may katapusang entry? Sa tingin mo, may problema ba ako? Ako kasi sa tingin ko, oo. Puyat na ako dahil ala-una na ng umaga paano pa kaya ako tatangkad kung lagi akong magpupuyat? Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit pumasok sa isipan ko ang paksang ito ng mga bawal na bagay pero sa tingin ko, iba na ang katapusan nito e, hindi na tungkol sa mga bawal. Para nalang akong isang tambay na nagkukwento at nagtatanong sa kaibigan niyang pipi ng mga bagay na hindi rin nito alam at lalong hindi nito masasagot. Sige Pare, matutulog na muna ako. Sa susunod nalang ulit tayo magkwentuhan! Paalam!

(Magkwentuhan? E ako lang naman ang nagkukwento, hindi naman nasagot ang kausap ko..)


-WAKAS-

Sunday, April 24, 2011

Nawawala parang Bula

Isa na namang panaginip ang bumulabog sa aking mahimbing na pagtulog noong isang araw. Nasa loob ako ng isang opisina, nakaupo sa upuan at nakaharap sa mesa. Mayroon akong hawak na kartolina at lapis habang nakakalat naman ang mga krayola, mga art materials at ilan pang mga papel sa mesa. Mayroon pa akong mga kasama sa kwarto, isang babae at isang lalaki, kasing edad ko sila at kami ay nagtatrabaho sa isang opisina. At habang kami'y nagtatrabaho, may biglang pumasok na bata sa silid.
Ito ang itsura ng unang batang nakita ko
Tinanong ko siya kung anong kailangan niya ngunit hindi siya sumagot. "Bata, may kailangan ka ba?" muli kong tanong ngunit sa halip na sumagot ay lumabas ito ng silid, ipinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay muling pumasok ang bata sa silid at muli, tinanong ko kung anong kailangan niya ngunit hindi na naman niya ako sinagot, tinaasan ko na ang boses ko. "Bata! Ano bang kailangan mo? Kanina ka pang pabalik-balik dito, ano ba talagang kailangan mo?" ngunit sa kabila ng pagtataas ko ng boses, hindi pa rin siya sumasagot, nakalagay ang kanyang daliri sa bibig niya habang ngumingiti sa akin. Nakakaloko ang ngiting iyon. Tumingin siya sa likuran ko na para bang may ibang tao doon, at laking gulat ko nang may dalawang bata nga  sa likuran ko, isang babae at isang lalaki, hindi ko sila napansing pumasok sa silid. Nakakapangilabot dahil nakakaloko ang mga ngiting ipinapakita nila sa akin. Lumapit sila sa akin at pinalibutan nila ako, pilit nila akong iniipit sa loob, tinignan ko ang aking mga kasama, parang wala silang pakialam sa akin, abala sila sa trabaho nila't parang wala man lang nakikita o naririnig. Nang tigiloan na ako ng mga bata, lumabas ako ng silid at pagpasok ko, laking gulat ko na wala na ang mga kasama ko't ang mga bata, tanging isang babaeng nakaupo sa upuan at nakaharap sa mesang may taklob ng diyaryo ang mukha ang nasilayan ko. Tumingin ako sa labas para tignan kung saan nagpunta ang mga kasama ko ngunit nang ibalik ko ang tingin sa loob ng aming silid ay wala na ang babae. Nakakatakot. Nakakapangilabot. Hindi ko man lang napansin ang paglabas nilang lahat, ni hindi ko narinig o nakita ang paglabas nila. Iisa lang naman ang pintuan palabas ng aming silid, wala namang ibang daan palabas ngunit bigla na lamang silang nawawala na para bang bula.

Tuesday, April 19, 2011

Paalam AJ

Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwalang wala ka na. Para itong isang bangungot na hindi ko kayang takasan, ang realidad. Mahirap man tanggapin, ay kailangan, nalungkot man ako sa pagkawala mo ay nagpapasalamat pa rin ako sa'yo. Dahil ng ika'y mawala, napagtanto ko na napakaikli nga ng buhay at hindi natin ito dapat sayangin sa mga bagay tulad ng galit. Dapat natin itong bigyang halaga iisa lang ang buhay natin at wala rin itong restart, rewind, at fast foward. Hindi mo man ako kilala, hindi man ako isang certified AJ Perez fan at hindi mo man ito nababasa, inihahandog ko ito sa iyo. Nakikiramay ako. Huli man at kahit hindi mo ako naririnig ay gusto ko parin itong sabihin sa iyo... Isa ka sa mga hinahangaan ko at ang pinaka paborito ko ay ang pagganap mo bilang si "Dido" sa seryeng "Sabel". At hindi mo man ito nakikita, para sa iyo ang likha kong ito..

 (Title: Angel watches from Heaven)

...Paalam AJ Perez...

Saturday, April 2, 2011

Malikhaing Imahinasyon

Gusto ninyo bang malaman ang mga ginagawa ko tuwing nag-iisa? Sige, ito ibabahagi ko na sa inyo..Gumagawa ako ng mga artworks. Nakakalungkot kasi kapag mag-isa lamang ako e. At ito ang ilan sa mga ito..


 *Ito ang una, tinatawag ko itong "ang pangalan" dahil na sa likhang iyan ang pangalan ko..Iris..Cherry..Antonette. Hanapin ninyo nalang kung nasaan diyan ang pangalan kong iyon. Hindi naman 'di ba halata na mahal ko ang pangalan kong ito? Hay..wala talaga akong magawa, pinagpuyatan ko pa iyan na para bang isang proyekto sa eskwela na kailangan ipasa sa guro kinabukasan.



*Ito naman ang pangalawa, tinatawag ko itong "ang hilig" dahil na sa likhang ito ang mga hilig ko. Ang buong likha ay sumisimbolo ng pagkahilig ko sa Arts, ang mga nota naman sa musical staff ay sumisimbolo sa pagkahilig ko sa musika at ang mukha sa gilid ng isang taong naiyak at ang maskarang na sa dulo ng rosas ay sumisimbolo naman sa pagkahilig ko sa pag-arte o Acting.



*Ito naman ang pangatlo, tinatawag ko naman itong "ang nagmamahalan". Hindi ko ito ginawa dahil inlove ako a! Sa totoo lang, katatapos ko lang basahin ang librong "Tristan" ni Jorina Reyes at naisipan kong ilarawan ang itsura ng mag-asawang Eliz at Tristan sa katapusan ng isorya na pawang mga tauhan sa kwento. Napakaganda ng istorya, nakakadala. Support Filipino Authors! Mahalin natin ang likhang atin!

Ang Gusali

Nakita ko na ang gusali sa aking panaginip! Kahapon, habang nanonood ako ng telebisyon ay nakakita ako ng isang gusali. Isang malaki, madilim at nakakatakot na gusali. Habang akin itong pinagmamasdan ay naalala ko ang gusali sa aking panaginip. Mula sa post kong "Liwanag sa Dilim", ang gusaling aking nakita ko sa telebisyon, ito ay nasa Corregidor. At base sa nakita kong larawan nito, kaparehong kapareho nito ang lugar kung saan ko ito natagpuan. Malago ang damo sa paligid nito at maganda ang paligid, ang gusali lamang ang nakasira ng magandang tanawing nabuo sa aking isipan habang ako'y mahimbing na natutulog.

Ito mismo ang itsura ng lugar at gusali sa aking panaginip..





 

 

 

Nasa loob kaya ng gusaling iyan ang mga tauhan sa aking panaginip?

Thursday, March 24, 2011

Fireworks

Eksena: Di Francia Auditorium
Petsa: ika-7 ng Marso 2011

Kinakabahan ako. Gusto kong umawit ngunit nahihiya ako..itong suot kong damit, ang ikli pero bagay naman raw sa akin sabi ng aking nanay. Pati raw, bagay sa kakantahin ko. Nakahikaw pati ako, yung magara at pang sosyal, yung heels ko pati..ang taas! Ano kaya ang itsura ko kapg nasa unahan na ako? Ayan na,tinatawag na nila ang pangalan ko..aakyat na ako sa stage. Natugtog na ang minus one, magustuhan kaya nila ang pag-awit ko? Nakatingin silang lahat sa akin, nakakakaba. Tinignan ko ang mga guro sa aking harapan, seryoso ang mga mukha nila. Hinihingal ako dahil sa kaba, makanta ko kaya ito ng ayos? Sana oo. Eto na..'Cause baby you're a firework, come on show them what you're worth! Make them go oh,oh,oh! As you shoot across the sky...nagdilim at biglang umilaw..iba't iba ang kulay ng mga ilaw. Nagsisigawan at nagsasaya ang mga tao..Para akong nagco-concert sa Araneta. Grabe! Ang saya ko! Nagwawala. Nagwawala. Nagsasaya. Baby you're a firework, come on let your colors burst! Make them go oh, oh, oh! You're gonna leave fallin' down.. Madilim. Wala akong makita. Tanging mga hiyaw lamng ng mga estudyante ang naririnig ko, sumasabay sa kinakanta ko. May nakita akong liwanag, flash ng camera! Kinuhanan ako ng litrato ng kaklase ko. (Ia-upload niya kaya iyon sa facebook?) Adik ako. Ayan na. Mataas na ang tono..ah! Sumabit yung boses ko. Nakakatawa, natawa ako sa sarili ko. Pero tuloy lang! Napatungo ako't tumabon ang buhok ko sa mukha ko, itinaas ko ang aking ulo't inayos ang aking buhok. Bagay naman, timing ang pagkakamali ko. Boom!Boom!Boom! Even brighter than the moon, moon, moon! Boom!Boom!Boom! Even brighter than the moon, moon, moon! Ayos! Tapos na, nakahinga na ako ng maluwag. Masaya ang mga tao. Nagustuhan nila, salamat po Lord! Ngunit kahit alam kong ayos naman sa piningin ng iba, nahihiya ako. Iba kasi ang pagkakakilala nila sa akin. Sana'y hindi mag-iba ang tingin nila sa akin. 

Pagkatapos kong umawit, bumalik na ako sa aking upuan sa likod. At habang papunta ako sa likod, ang daming sumasalubong sa akin. "(pangalan ko) ang galing mo!!" "Grabe nagwala talaga 'to sa stage!" " Naks! Performance level!" At pag-upo ko sa upuan, may isa pang kumausap sa akin.."Mataas pala yung boses mo..soprano, bakit hindi ka sumali sa Glee Club?" sumagot ako" Theatre Club ako e..'yon yung napili ko."


Eksena: Sa C.R ng babae katabi ng Auditorium sa school. (1st floor)

Nasa loob ako ng isang cubicle sa C.R. Nagbibihis ako ng uniporme ko dahil uwian na. Hindi naman ako pwedeng umuwi ng ganito ang suot, sigurado akong papagalitan ako ni Sir *toot* pagnakita niya akong pagalagala sa loob ng campus ng ganito ang suot. May narinig akong babae. Itago natin siya sa pangalang Jn.

Jn: Ang galing talaga ni (pangalan ko)!! Gonzalez din 'yon, iba nga lang yung ispeling. "z" ung dulo ng Gonzales niya...ako "s".
 Kaibigan ni Jn: O, tapos? 'Di naman pala kayo magka anu-ano e.
Jn: Ano, siguro ano ko siya..pinsan ng pinsan ng pinsan ng pinsan ng pinsan ng pinsan ng pinsan ko!
 Kaibigan ni Jn: Ay! Ewan ko sa'yo! Luka-kuka ka talaga.
Jn: Basta! Ang galing talaga niya!

Alam ba niya na nandito ako? Sinasadya niya kaya 'yon o hindi? A basta! Atleast, naipamahagi ko sa iba ang aking talento! Iyon ang mahalaga. Ngayon, halos buong 1st year, ang tawag na sa akin ay "Fireworks" o "Katy Perry".

Wednesday, March 23, 2011

Ang Pumaslang

Isang maaliwalas na umaga ang sumalubong sa amin ng kaibigan ko. Masaya kaming nagkekwentuhan at nagtatawanan. Naglakad kami patungo sa kawalan, sumakay kami sa aming sasakyan kasama ang aking mga magulang. Hanggang doon ay maayos pa ang kalagayan namin ngunit nang sumapit kami sa aming eskwelahan, nang pauwi na kami ay nag-iba ang aking kaibigan. Masama ang tingin niya sa akin. Nanlilisik. Nakakatakot. Nang pasakay na ako sa aming sasakyan ay may nakita akong papel sa aking upuan, "PINATAY MO AKO!" nakasulat sa papel. Umisod ako't natakot sa nabasa. Niyaya ko ang aking kaibigang sumakay na sa sasakyan ngunit kumaway lang siya sa akin ng walang anumang ekspresyon ang mukha. Wala ngang ekspresyon ngunit mukhang patay ang kanyang itsura. Nakakatakot. Nawala ang papel sa aking upuan. Kinabukasan, tumambad sa telebisyon, radyo, at mga pahayagan ang pagkamatay ng isang dose anyos na babae. Ang aking kaibigan! Nalungkot ako sa nangyari't napaluha. Bakit ito nangyari sa kanya? At sinasabi ng mga tao ay ako ang pumatay sa kanya. Kinabahan ako kahit na alam ko na wala naman akong kinalaman sa pagkamatay niya. Natulog ako.

Kinabukasan, nagising ako. Naulit ang mga pangyayari, buhay muli ang aking kaibigan. Masaya muli kami, hindi pa siya namamatay. Tumungo kami sa aming eskwelahan at wala ang aking mga magulang, wala ring sasakyan at parang regular lang na araw sa eskwela ang aming natutunghayan ngayon. Mayroon raw kailangang sauluhin na piyesa ang aking kaibigan at tinulungan siya ng aming kaklaseng lalaki. Pagkatapos niyon ay sa akin naman siya nagpatulong. Napansin kong sinusundan kami ng aming kaklaseng lalaki kasama ang iba pa niyang mga kabrkada. Kahit saan kami magtungo ay sinusundan kami. Natakot na ako, ano ba ang kailangan niya sa amin? Sinundan nila kami hanggang makarating kami sa harap ng kapilya ng aming eskwelahan. Tinignan ko ang ang kaibigan, natatakot ang itsura niya at ang kaklase ko namang lalaki ay parang mayroong masamang balak sa aking kaibigan. Hinila niya ang braso ng aking kaibigan at nagpumiglas ito. Ngunit makalipas ang ilang segundo..biglang dumilim ang paligid. Nagising akong mayroong kabang nararamdaman. Nakakatakot.

Sino ngayon sa tingin ninyo ang pumaslang sa aking kaibigan ayon sa aking panaginip?

Friday, January 7, 2011

Mukha

December 28, 2010

Noong Christmas Vacation namin, nagkaroon ako ng isang panaginip, nasa isa akong kwarto kung saan may mga kasama akong mga babae na kasing edad ko. May nag-utos sa aming isang matandang babae, ang sabi niya kailangan daw naming umiyak ng umiyak. Hindi ko alam kung bakit niya kami pinapaiyak, hindi naman kasi niya binanggit kung para saan o ano ang dahilan para gawin namin iyon. Pero kahit na hindi ko alam kung bakit ay ginawa ko at pagkatapos ng ilang minuto ay pinatigil na niya kami...at nang tumigil na ako, namalayan ko na nasa loob pala ako ng aming silid-aralan. At kasabay ng aking pagtayo ay sinalubong ako ng aking kaklase kong lalaki. Pinunasan niya ang aking mga luha at inilapit ng napagkalapit ang kanyang mukha sa akin na halos magdikit na ang aming mga mukha. Tinanong niya ako "Anong nangyari? Bakit ka naiyak?" itinulak ko siya at hindi na sinagot dahil sa nagmamadali akong makalabas ng silid. Iniwan ko siya doon sa silid kasama ng iba pang babae....

January 7, 2011


Natapos na ang mahaba-haba naming baksyon. Pasukan na naman! Pagkapasok ko ng silid-aralan namin ay nakita ko ang kaklase kong iyon na nagtataklob ng mukha gamit ang kanyang panyo...at biglang tumawa ang isa kong kaklase.."Haha! Bakit ganyan ang mukha mo? Nasabugan ka ba ng Goodbye Philippines?"..bigla namang sumabat ang isa.."Goodbye Face 'yan!! Haha!"...at nagulat ako dahil parang dahil sa napanaginipan ko siya ay bigla nalang may nangyari sa kanyang mukha. Nag-aalala na tuloy ako sa isa ko pang kaklase na akin ring napanainipan na kahawak ko ang kanyang kamay buong istorya ng panaginip ko kinabukasan pagkatapos kong mapanaginipan yung isa... Siguro nagkataon lang iyon pero...Ano kayang mangyayari sa kamay nung isa kong kaklase?

Note: Hindi nasabugan yung kaklase ko...sabi niya nagkaroon lang daw siya ng chickenpox noong bakasyon..