Tuwing papasok ako sa kwarto, akala ko lagi may taong nakatayo sa may kaliwa ko...yun pala ilang damit lang na nakasabit sa aming aparador. Tuwing naka-upo ako sa upuan at nakaharap sa aking study table, akala ko lagi may nakatingin sa akin mula sa malayo...yun pala wala naman. GUNI-GUNI. Pakiramdam ko lagi may nakamasid sa akin kapag naka talikod ako kaya't karaniwan mo akong makikita sa sulok ng kwarto na nakasandal sa dingding Nakakakilabot ang pakiramdam kong iyon...SOBRA! Ito ang isa sa pinaka-ayaw kong katangian ko, ang pagiging praning o paranoid dahil sa kung anu-ano ang pumapasok sa utak ko tuwing mag-isa. Malikot ang imahinasyon kumbaga.
Ang hirap ng ganito, yung hindi ka mapakali, kinakabahan, sa nabuong larawan sa iyong isipan. Nakakainis. Sa tuwing matutulog ako, may kung anu-anong nakakatakot na imahe ang napasok sa isip ko. Hindi ko alam kung bakit pumapasok ang mga ganoong bagay sa utak ko kahit hindi ko naman yon iniisip at hindi ko naman iyon gustong isipin. Isang imahe ng babaeng nakaputing unti-unting lumalapit sa akin mula sa madilim kong silid, yan madalas ang pumapasok sa isip ko tuwing gabi, patay na ang mga ilaw, tulog na ang mga tao ngunit ako, gising pa dahil sa mga nakakainis na nakakatakot na larawan sa isip ko.
Ikaw, naranasan mo na ba ang karanasan kong ito? Ang hirap ano? Kaya, ang solusyon ko kamo sa ganoong sitwasyon? Dasal. Napapansin ko kasi madalas na hangga't hindi pa ako nagdadasal ay hindi parin nawawala ang mga imaheng iyon sa utak ko pero sa oras na magdasal ako, naglalaho ang mga ito at makakatulog na ako ng mahimbing. Galing ano? Makapangyarihan nga talaga ang Panginoon, saludo ako sa Kanya. Kaya ugaliin ang pagdarasal. Hindi lamang tuwing Linggo, bago kumain, matapos kumain, bago matulog at kung may kailangan kundi maging sa paggising mo, sa bawat biyaya, bawat araw...sa madaling salita, PALAGI.
No comments:
Post a Comment