Masaya kong naglalaro ng mga baraha kasama ang mga pinsan ko kahit na mag-aalas kwatro na ng umaga. Wala e, hindi ako inaantok dahil sa ininom kong kape at dahil narin gusto kong bantayan at silayan sa kahit huling sandali ang aking tiya bago siya ilibing bukas. Oo, nakaburol ngayon ang minamahal kong tiya at sumama ako sa mga pinsan ko para magbantay. Ngunit sa gitna ng aming kasiyahan sa paglalaro ng baraha, dinalaw na ako ng antok kaya't nagpaalam na ako sa mga pinsan ko, tutal mag-aalaskwatro na naman ng umaga e. Kinuha ko na sa tatay ko ang susi ng van namin at nagtungo na nga sa aming sasakyan para matulog. Ihinatid pa ako ng mga pinsan ko doon sa van; bait no?
Matapos akong ihatid ng mga pinsan ko, bumalik na sila sa loob para ituloy ang pagbabantay kay Tita. Ako naman, pumasok na saloob ng van at pumwesto sa pinakadulong upuan doon upang matulog. Humiga na ako. Matutulog na ako ngunit hindi ako maktulog, may bumabagabag sa akin. Ipinikit ko na ang mga mata ko ngunit di parin ako makatulog--ANG LAMIG. Sobrang lamig, kasing lamig ng loob ng pridyider. Noong una, inisip ko na galing lamang sa labas ang lamig dahil bahagya kong binuksan ang bintana ng sasakyan para may hanging makapasok. Ngunit napagtanto ko na di naman ganoon kalamig sa labas at bahagya lamang ang bukas ng bintana kaya't imposibleng sobrang lamig sa loob. Nagtaka ako. Saan galing ang lamig?
Dugdug. Dugdug. Kinakabahan ako. Hindi ko alam kung bakit. Hay, napapraning lang siguro ako..tinatakot ko lamang ang sarili ko. Nagpasya na akong matulog. Ngunit makalipas ang ilang minuto, naramdaman kong may mabigat sa aking paanan-- parang may kung anong nakadagan o tila may nakahawak doon. Paakyat na nang paakyat ang lamig at ang bigat na aking nararamdaman, mula sa paa, dumaan ito sa aking mga binti, hita, likuran, braso, at mata. Ngunit di ko gaanong ramdam ang lamig sa mata dahil sa tinakluban ko ito ng panyo. Ang lamig talaga, parang may tumataklob sa aking mga mata. Tita? Bigla siyang pumasok sa isip ko? Tita ikaw ba iyan? Nagpaparamdam ka ba sa akin? Naalala ko, nung araw na maaksidente siya ay papunta siya sa aming bahay. Sayang hindi ka nakaabot sa akin, sayang hindi ka nakapagpaalam, sayang... Lahat nalang ay sayang.
Sinubukan kong igalaw ang katawan ko, biglang nawala ang bigat. Humina ang lamig. Posible kayang si Tita iyon? Nagpaalam lamang siya...paalam. Tinanggal ko na ang panyo sa aking mga mata sabay nang pagmulat ko. Tumayo at lumabas na ng sasakyan. Pagkalabas ko, nakita kong naghihintay sa akin sa labas ang isa kong pinsan. "Sabi na nga ba lalabas ka eh." tugon ni Lea, ang pinsan ko. "Paano mo naman nasabi?" tanong ko. "Ewan ko, basta parang naramdaman ko nalang na lalabas ka kaya naghintay ako.." sabi niya. "Ah, di kasi ako makatulog doon. Sobrang lamig kasi, mas malamig pa kaysa dito sa labas." sabi ko at pumasok na kami ni Lea sa loob. Pagkapasok, sumilip muna ako kay Tita bago matulog. Sa isang mahabang upuan ako humiga at doo'y tuluyan na akong mahimbing na nakatulog.
P.S.
Miss na miss na kita Tita, sana nasa maayos na kalagayan ka diyan. Sana masaya ka sa lugar kung nasaan ka ngayon. Nakikita mo parin sana kami mula diyan sa kinaroroonan mo, maging gabay ka sana sa amin. Salamat sa lahat ng sayang binahagi mo sa aming buhay, at pasensya naman para sa lahat ng maling ginawa't inasal namin sa iyo. Sana naging masaya ka kahit papaano sa piling namin. Basta lagi mo lang tatandaan, mahal na mahal ka namin at masaya kaming naging bahagi ka ng makulay naming buhay. Salamat sa lahat! Miss ka na namin dito, Tita.
Alam mo bang minsan umaasa akong isang araw ay babalik ka't magkikita muli tayo. Ngayon alam ko na ang pakiramdam nang umasa sa wala. Mahirap pala. Masakit pala. Pero minsan, naiisip ko..walang imposible sa Diyos, pwedeng ibalik ka niya sa amin, pwedeng magkasama muli tayo ngunit hindi na siguro dito sa lupa, kundi kung nasaan ka ngayon..Alam kong matagal pa iyon mangyayari pero mabilis tumakbo ang oras, mabilis lumipas ang panahon. Alam kong balang araw, magkikita tayong muli at sa panahong iyon, siguro'y hindi na natin kilala ang isa't isa pero mananatili parin tayong magkaibian, at magkapatid. Sa madaling salita, may koneksyon parin tayo kahit na hindi natin maalala ang dati.
Masaya tayong magsasama sa panahong iyon. Walang iintindihing problema, walang lungkot. Walang mga luhang tutulo dahil sa walang sugat at sakit tayong mararamdaman. Matagal pa kung iisipin ngunit malapit na kung hahayaan lang nating magpatuloy ang buhay nang di inaalala ang hangganan ng buhay.
Excited na akong magkita muli tayo Tita pero sa ngayon, itong buhay ko muna dito sa lupa ang aalalahanin ko. Muli, mahal kita Tita! Nababasa mo sana ngayon ito.
No comments:
Post a Comment