Saturday, October 30, 2010

Drama sa Party

Kahapon ay nagkaroon ng Party sa aming eskwelahan. Bale, isa iyong pagdiriwang ng all saints day. Nagkaroon doon ng patimpalak na Look-alike-Saint. Kung saan kailangang iarte ng mga kalahok ang talambuhay ng Santang ipinoportray nila sa loob ng 10 minuto. Nagkaroon ng performance ang glee club, theater club at dance troupe. Dinaos narin doon ang awarding ng tatlong nanalong kalahok sa patimpalak na battle of the bands. At kung ipinamalas ng mga estudyanteng ito ang kanilang talento sa pag kanta't pagsayaw, syempre hindi naman pahuhuli ang ating mga iginagalang na mga guro. Ang saya talaga ng kahapon lalo na noong sumapit na ang gabi. Nagkaroon ng sayawan at sinasabi ko sayo mararamdaman mong para kang nasa isang disco house ngunit dito ay may mga patakaran kang dapat sundin. Bawal magsayaw ng grupo-grupo dahil dito raw madalas nagsisimula ang mga ayaw at sa slow dance naman kailangan ay 2 ft ang pagitan ninyo ng kasayaw mo dahil bawal ang PDA (Public Display of Affection). Strikto ang mga prefect of discipline sa aming eskwelahan, hangad talaga nila ay disiplina para sa mga estudyanteng nag-aaral doon sa eskwelahang iyon. Pero kahit na ganoon ay naging masaya naman ako dahil nakasayaw ko yung taong hinahangan ko at sa unang pagkakataon ay nakapagwala ako sa dance floor! Daig ko pa ang isang hayop na nakawala sa kanyang selda...

Yung ibang estudyante, nagsasaya dahil iyon naman dapat talaga ang dapat ginagawa pero yung iba, nakaupo doon sa may sulok at nagdadrama, yung iba pa nga ay umiiyak dahil sa hindi sila isinayaw ng mga gusto nila, dahil sa iba yung sinayaw ng mga taong gusto nila, sa madaling salita, nagseselos sila sa kasayaw ng mga gusto nila. Sa isip ko sinabi ko, "Bakit naman sila magseselos, e hindi naman nila kasintahan yung iniiyakan nila at dinadramahan. Mabuti sana kung sila na nung taong dinadramahan nila, maiintindihan ko pa. Pero kung katulad nito yung sitwasyon, parang..wala namang karapatang magselos yung taong yun, kasi hindi naman sila e. (Babae yung tinutukoy ko a) Alam kong sa mga sitwasyon na ganito, lalaki dapat ang nagyayaya pero kung gusto talaga nila iyong maisayaw, sila ang magyaya. Kailangan lang naman doon, lakas ng loob at kapal ng mukha...tulad ko! HAHA!"

Friday, October 29, 2010

Tumigil nang Siya'y Dumating

Noong isang buwan, nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib, nahihirapan ako sa paghinga, hindi ko alam kung ano ang dahilan at nangyayari iyon sa akin. Kinabahan ako dahil baka kung anong sakit na ang meron ako. Noong mga panahonng ding iyon, ilang araw na wala ang isa kong kaklaseng lalaki dahil nagkasakit siya. Medyo matahimik ang aming silid ng ilang araw kasi wala siya, medyo malungkot din ako kasi isa siya sa mga taong nagpapasaya ng araw ko. Sabi ng iba kong kaklase, baka raw dahil sa wala lang siya kaya naninikip ang dibdib ko at nahihirapan ako sa paghinga. Pinatulan ko ang biro sabi ko "Oo nga! Siguro kaya 'to nangyayari kasi wala siya...miss ko na siya..." tapos sabay tawa. Ngunit sa kabila ng panandaliang kasiyahan, nasasaloob ko parin ang matinding kaba. Lumapit ako sa aking best friend at sinabi ko sa kanya ang matinding kaba na nararamdaman ko. Sabi niya, huwag daw akong kabahan dahil sigurado siyang wala akong sakit. Pagkatapos kay best friend ay pumunta naman ako kay espren para sabihin sa kanya ang sinabi ko kay best friend. Oo, iba pa ang best friend ko sa espren ko dahil babae si best friend at lalaki si espren. Weird noh?


Sige, balik na tayo sa itsorya ko. Dumating ang Sabado, nagpatingin kami ng nanay ko sa doktor, sabi ng doktor wala daw akong sakit, mayroon lang daw nababanat na muscle kaya naninikip ang dibdib ko. Dumating ang Lunes, masayang masaya kong ibinalita ang resulta ng aking pagpapatingin sa doktor. Sobrang saya ko't wala akong sakit at kasabay niyon ay pumasok na muli ang kaklase kong nagkasakit ng ilang araw. Inobserbahan ko ang buong linggong iyon, tinignan ko kung muli bang maninikip ang dibdib ko, pero wala. Wala na akong naramdamang sakit simula nang pumasok muli ang kaklase kong iyon. Hanggang ngayon, hindi pa muling bumabalik ang paninikip ng aking dibdib. Sana nga'y huwag na itong bumalik kailanman dahil mahirap, pinag aalala ko ang mga tao sa paligid ko. Oo, totoong namiss ko yung kaklase kong iyon dahil nakakabingi ang sobrang katahimikan lalo na kung wala siya...Hindi ko alam kung coincidence lang 'yon o talagang itinakdang mangyari.

Wednesday, October 27, 2010

Kaakap

Isang gabi nang ako'y naiglip, mayroon akong nakitang isang babaeng nag iisa, nakatayo sa di kalayuan, nakasuot ng pulang blusa at maong na pantalon. Sinubukan ko siyang lapitan, habang ako'y lumalapit sa kanya, lumalapit din siya sa akin. Sinubukan ko siyang hawakan sa braso pero nagkasalubong ang aming mga kamay. Natagpuan ko nalang ang sarili kong tinitignan ang sarili sa isang napakalaking salamin. "Repleksyon ko pala iyon!" sabi ko. Habang tinitignan ko ang aking sarili sa salamin, bigla kong naramdaman na may umakap sa akin. Hindi ko nakita ang kanyang repleksyon sa salamin. Nakakagulat! Pinagmasdan ko ang kanyang braso, maputi at may suot na itim na bracelet na may pula sa gilid. "Katulad to nung sakin a!" sabi ko. Pero walang imik ang umakap sakin, basta alam kong lalaki siya ngunit di ko nga lang kilala kung sino. Hanggang ngayon palaisipan parin sakin ang lalaking yon. Oo, palaisipan parin dahil matagal ko na itong napanaginipan. Siguro, 3 years ago na kasi grade 4 ako nang akin itong mapanaginipan. 

Sunday, October 24, 2010

Liwanag sa Dilim

Sa aking pagtulog kagabi, nakakita ako ng isang maliwanag na ilaw sa gitna ng madilim na paligid. Nang ako'y tumungo dito, nasilayan ko ang isang tahimik na lugar na puno ng mga halaman, mala-palasyo ang itsura nito. Maaliwalas ang paligid, napakalinis. Pinagmasdan ko ang paligid "Napakaganda talaga dito!" nasabi ko sa aking sarili. Ngunit sa isang banda, nakakita ako ng isang gusali. Malaki ito,ngunit nakakatakot ang itsura. Ako ay isang matatakuting tao ngunit hindi ko alam kung anong pumasok sa aking isipan at pumasok ako sa gusali iyon kahit na nakakatakot ang itsura nito.

Sa aking pagpasok dito, mayroon akong nakitang dalawang silid, ito ay nasa dalawang magkahiwalay na dulo ng gusali at ang mga pintuan nito ay mga larawan. Ang silid na nasa aking kanan ay mayroong larawan ng babae at ang silid naman sa aking kaliwa ay may larawan ng lalaki. "CR naman yata ito e." sabi ko at dahil sa babae ako, nagtungo ako sa silid na may larawan ng babae. Madilim sa loob kaya binuksan ko ang ilaw, kulay dilaw ang sindi nito. At sa pagbukas ng ilaw, mayroon akong nakitang isang babaeng maputi, kulot ang buhok, itim ang suot nitong damit, itim ang kaniyang make-up pati ang kaniyang sapatos. Napakaganda niya, sa itsura palang niya alam ko nang isa siyang bampira.

Lumapit siya sa akin, kinagat niya ako at pagkatapos, ang sabi niya sa akin "Kagatin mo yung babaeng makikita mong nakasuot ng puting damit sa labas ng gusaling ito." Lumabas ako ng gusali at nakita ko ang babaeng sinasabi ng bampirang kumagat sa akin. Isang mahabang puting damit ang kanyang suot ngunit wala siyang saplot sa paa, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat, at mahaba at kulay tsokolate ang kanyang buhok. Nilapitan ko siya at dahan dahang ibinaon ang aking mga pangil sa kanyang leeg. Wala pang limang segundo akong nakakatagal sa kanya ay bigla niya akong itinulak papalayo. Napakalakas niya. Tinignan ko ulit siya mula sa malayo at nakita ko ang kaninang kulay tsokolate niyang mga mata ay naging kulay dilaw na. Isa siyang taong-lobo! Biglang sumakit ang aking ulo, para itong binibiyak sa sobrang sakit. Sumigaw ako at nagwala, tumakbo ako pabalik sa silid ng gusali kung nasaan ang bampirang kumagat sa akin ngunit pagbalik ko ay wala na siya.

Lumabas ako ng silid at tumungo sa silid sa kabilang dulo ng gusali. Sa aking paglalakad ay natagpuan ko ang bangkay ng bampirang kumagat sa akin. Pag tingin ko sa daanan, nakakita ako ng mga dilaw na mga mata ng lobo. Natakot ako at lumabas ng gusali, hinala kong pinaslang ng mga lobo ang babaeng bampirang nakilala ko. At sa aking paglabas ng gusali, ang kaninang mala palasyong lugar na aking natagpuan ay naging isang madilim at nakakatakot na lugar na. Habang ako'y tumatakbo, napagtanto ko na ako pala'y hinahabol ng mga lobo. Sinubukan kong tumakbo ng mas mabilis ngunit nadapa ako. Ang mga lobo'y mabilis na tumakbo papunta sa akin. Buti nalang ako'y nagising ngunit hingal na hingal naman.