Sa aking pagtulog kagabi, nakakita ako ng isang maliwanag na ilaw sa gitna ng madilim na paligid. Nang ako'y tumungo dito, nasilayan ko ang isang tahimik na lugar na puno ng mga halaman, mala-palasyo ang itsura nito. Maaliwalas ang paligid, napakalinis. Pinagmasdan ko ang paligid "Napakaganda talaga dito!" nasabi ko sa aking sarili. Ngunit sa isang banda, nakakita ako ng isang gusali. Malaki ito,ngunit nakakatakot ang itsura. Ako ay isang matatakuting tao ngunit hindi ko alam kung anong pumasok sa aking isipan at pumasok ako sa gusali iyon kahit na nakakatakot ang itsura nito.
Sa aking pagpasok dito, mayroon akong nakitang dalawang silid, ito ay nasa dalawang magkahiwalay na dulo ng gusali at ang mga pintuan nito ay mga larawan. Ang silid na nasa aking kanan ay mayroong larawan ng babae at ang silid naman sa aking kaliwa ay may larawan ng lalaki. "CR naman yata ito e." sabi ko at dahil sa babae ako, nagtungo ako sa silid na may larawan ng babae. Madilim sa loob kaya binuksan ko ang ilaw, kulay dilaw ang sindi nito. At sa pagbukas ng ilaw, mayroon akong nakitang isang babaeng maputi, kulot ang buhok, itim ang suot nitong damit, itim ang kaniyang make-up pati ang kaniyang sapatos. Napakaganda niya, sa itsura palang niya alam ko nang isa siyang bampira.
Lumapit siya sa akin, kinagat niya ako at pagkatapos, ang sabi niya sa akin "Kagatin mo yung babaeng makikita mong nakasuot ng puting damit sa labas ng gusaling ito." Lumabas ako ng gusali at nakita ko ang babaeng sinasabi ng bampirang kumagat sa akin. Isang mahabang puting damit ang kanyang suot ngunit wala siyang saplot sa paa, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat, at mahaba at kulay tsokolate ang kanyang buhok. Nilapitan ko siya at dahan dahang ibinaon ang aking mga pangil sa kanyang leeg. Wala pang limang segundo akong nakakatagal sa kanya ay bigla niya akong itinulak papalayo. Napakalakas niya. Tinignan ko ulit siya mula sa malayo at nakita ko ang kaninang kulay tsokolate niyang mga mata ay naging kulay dilaw na. Isa siyang taong-lobo! Biglang sumakit ang aking ulo, para itong binibiyak sa sobrang sakit. Sumigaw ako at nagwala, tumakbo ako pabalik sa silid ng gusali kung nasaan ang bampirang kumagat sa akin ngunit pagbalik ko ay wala na siya.
Lumabas ako ng silid at tumungo sa silid sa kabilang dulo ng gusali. Sa aking paglalakad ay natagpuan ko ang bangkay ng bampirang kumagat sa akin. Pag tingin ko sa daanan, nakakita ako ng mga dilaw na mga mata ng lobo. Natakot ako at lumabas ng gusali, hinala kong pinaslang ng mga lobo ang babaeng bampirang nakilala ko. At sa aking paglabas ng gusali, ang kaninang mala palasyong lugar na aking natagpuan ay naging isang madilim at nakakatakot na lugar na. Habang ako'y tumatakbo, napagtanto ko na ako pala'y hinahabol ng mga lobo. Sinubukan kong tumakbo ng mas mabilis ngunit nadapa ako. Ang mga lobo'y mabilis na tumakbo papunta sa akin. Buti nalang ako'y nagising ngunit hingal na hingal naman.
No comments:
Post a Comment