Monday, November 29, 2010

Gulo sa Isipan

Noong Biyernes ay nakita ko muli si babae at lalaki (mula sa post kong "halik") na nakatambay sa tapat ng silid-aralan kung saan ko mabilis na nakita ang ginawa nilang halik noong nakaraang linggo. At muli ay kasakasama ko ang aking kaibigan. Sinabi ko sa kanyang iyon yung babae't lalaking nakita namin noong isang linggo ngunit hindi daw niya alam iyon. Sabi ko sa kanya "Di ba sabi mo pa nga sakin nakakahiya yung ginagawa nila?" ngunit sagot niya sakin ay hindi niya alam. Ibig sabihin ba niyon, namalik mata lang ako ngunit paano naman yung sinabi sa akin ng kaibigan ko? Naguguluhan ako sa nakita't narinig ko. Hay, ano ba ito?

Paglubog ng Araw

Kaninang hapon ay nasaksihan ko ang napakagandang paglubog ng araw sa may Manila Bay. Ang araw ay parang lumulubog sa tubig at parang binuksan ng Diyos ang langit ang itsura niyon dahil sa mga sinag ng araw na nagmumula sa mga ulap. Mayroon din akong nakitang bahaghari sa bahagyang ibaba ng isang malaking ulap. Napakagandang pagmasdan ng lugar, ang tubig ay humahampas sa mga batuhan na nakasilip mula sa ibaba ng dagat. Kung ito'y pagmamasdan mong maigi, napakapayapa nito. Huwag mo lang intindihin ang ibang gumagambala, sigurado akong magiging mapayapa ka.

Saturday, November 27, 2010

Madaling Araw

Isang magandang buwan na bahagyang natatagluban ng ulap at nasa likod ng ilang sanga ng puno ang masulsulyapan sa madaling araw at ilang minuto matapos itong masulyapan ay masisilayan naman ang isang makapigil hiningang bukang liwayway sa dilim na wari'y nagbibigay pag-asa sa mga taong makasisilay nito. Babasagin nito ang matahimik na dilim upang bigyang daan ang bagong gising na haring araw.

Mata't Damdamin

Mata. Mata ang basihan ng kasiyahan ng isang tao hindi ngiti. Dahil ang ngiti ang napepeke. Mata ang bintana ng tunay na saloobin ng isang tao. Ito rin ang kailangan natin upang makita natin ang iba't ibang bagay sa paligid natin, ang kagandahan ng itsura ng paligid ay nakikita gamit ang mata. Ang mata rin ang kailangan upang makita ng daan patungo sa liwanag. Mahalaga ang mga mata, pangalagaan natin ito upang hindi mawala sa atin ang mga bagay na ito.

Damdamin. Mahalaga ang damdamin mas mahalaga ito kaysa sa mata. Kahit na bulag ka, makikita mo parin ang liwanag, ang pag-ibig, tunay na pag-ibig. Kagandahan, hindi ng kapaligiran kundi ng ugali ng ibang tao.

Friday, November 19, 2010

Bakit nga ba?

Bakit ang buhay walang restart button, replay, rewind o fast forward? Para maitama natin ang mga kamalian sa nakaraan, para makita ang kasalukuyan...naitanong ninyo na ba ito sa mga sarili ninyo? Naisip niniyo ba man lang ba ito? Kung oo, ibig sabihin lang niyan may mga bagay sa inyong nakaraan na pinagsisisihan ninyo, nais ninyo itong balikan para maitama o maiba. Isinulat ko ito dahil naisip ko ang tungkol diyan nang mabasa ko ang Volume 2 ng Soul to Seoul (manga). Mayroon doong isang character na nagngangalang Kai, tumanggap siya ng pera para ipampyansa sa kanyang kaibigan at para mabayaran niya ang perang pinautang sa kanya, mayroon siyang kailangang patayin at sa dulo ng istorya niyon, sinabi ni Kai na hindi na niya kailangan ng restart button. Ibig sabihin hindi niya pinagsisisihan na mayroon siyang pinatay na tao. Bigla kong naisip, bakit nga ba walang restart button ang buhay nating mga tao? May mga bagay akong pinagsisisihan sa aking nakaraan, at karamihan dito ay tungkol sa pag-aaral. Kayo, ganito rin ba ang takbo ng isip ninyo? Naisip ninyo na ba ang bagay na ito? Kung hindi, ibig sabihin lang niyan ay wala kang anumang bagay na pinagsisisihan sa iyong nakaraan, sa iyong buhay.

Halik

Kanina uwian, pagdaan ko sa isang silid-aralan sa aming eskwelahan, mayroong mga nakatambay na estudyante malapit dito. Papalapit na yung isang lalaki doon sa isang babae nang bigla akong dumaan sa gitna nila. Biglang lumayo si lalaki kay babae. Ngunit bago pa man ako dumaan sa kanilang gitna,mayroon akong mabilis na nakita, halik. Sa aking mga mata ay nakita kong hinalikan ni lalaki si babae sa kanyang mga labi. Nagulat ako sa aking nakita kaya't minabuti kong bilisan ang paglalakad at paglampas ko sa kanila sabi ng kasama ko, "Hindi na sila nahiya, ang dami-daming tao, doon pa sila naghahalikan." Akala ko nung una ay namalik mata ako ngunit hindi. Totoo yung nakita ko. Sa isip isip ko nasabi ko, "1st year palang sila katulad ko, papaano nila nagagawa iyon." Kinilabutan ako sa aking nakita. Tama ang nanay ko, magboboyriend ako pagnakatapos na ako ng kolehiyo at pag mayroon narin akong trabaho.

Friday, November 12, 2010

Hindi Ito Kailanman Magiging Patas

Napapansin ko na lagi kong nararamdaman na lagi akong nag-iisa kahit na ang dami kong kasama, kahit na sobrang ingay na ng mga kasama ko. Nandiyan nga sila pero hindi ko naman sila nararamdaman, wala silang kibo, wala silang pakialam, hindi ata nila nararamdaman na nandiyan ako kasama nila. Para silang mga manhid. Bakit ba sila ganoon? Palagi nalang silang naasa sa akin, ako nalang lagi ang gagawa ng lahat, ako nalang lagi ang magpapakahirap tapos sila wala na ngang naicontibute, hindi pa nila gagawin ng maayos yung naka-assign sa kanilang gawain. Nakakainis ang mga taong ganoon, marami sila lalo na sa mga kaklase ko ngayon. huwag kayong magagalit sa akin pagnabasa ninyo ito a, sa halip ay baguhin ninyo na lang ang ugali ninyo kapag nabasa ninyo ito. Para walang away,para walang gulo. Naiinis talaga ako sa kanila pero para walang away, kailangang magtimpi. Sana lang matanto nila yung mga ginagawa nila, matamaan naman sana ang dapat matamaan kasi hindi naman patas na nagpapakahirap ang isa habang yung iba niyang kasama na walang ginagawa ay makakakuha rin ng grado nung isang nagpakahirap. Hindi iyon patas at hindi iyon kailanman magiging patas!

Umiiyak sa Dilim

Minsan, basta nalang tayo nagsasalita, hindi na natin iniintindi yung mga taong pinagsasalitaan natin. Hindi na natin inaalala kung anong mararamdaman nila, kung masasaktan ba sila. Minsan, hindi na natin alam nagiging manhid na pala tayo. Oo. Totoo yan dahil naging suspek at biktima narin ako niyan. Pagnagagalit ako dati, napapagsalitaan ko ang mga kaklase ko, sabi ko pa nga "wala akong pakialam sa kanila, ano ngayon kung magalit sila sakin? Kasalanan naman nila kung bakit ako nagalit sa kanila." ganiyan ako, minsan suspak pero madalas, biktima. Madalas nasasaktan, madalas nakangiti nagtatago ng tunay na saloobin. Madalas walang nakakahalata dahil mga piling tao lang ang totoong nakakakilala sa akin at ang mga hindi nakakahalata, totoo, hindi nila ako ganoon kakilala. Sa likod ng mga matatamis na ngiti, natatago ang isang babaeng nasa dilim, nag-iisa't walang kasama walng nakakarinig sa malakas niyang hagulgol, walang may alam na siya'y umiiyak sa dilim.

Saturday, November 6, 2010

Apektado

Noong isang gabi, muli akong nanaginip at sa panaginip kong iyon, muli ay mayroong yumakap sa akin na lalaki ngunit ngayon ay nakita ko na ang mukha niya. Maputi, medyo payat, bilugan ang mga mata, mahahaba ang daliri, matangkad, katamtaman ang laki ng katawan at may itsura. Kilala ko siya dahil kaklase ko siya ngayong 1st year ako, may pagkamakulit siya, masayang kasama minsan ngunit ang hindi ko malaman sa sarili ko ay kung bakit naiinis ako sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama sa akin, hindi naman niya ako inaasar ngunit naiinis ako sa kanya. Sabi nga sa akin ng nanay ko, baka raw may lihim na pagtingin ako sa kanya ngunit alam ko sa sarili ko na wala. Wala akong gusto sa kanya, dahil sinasabi niyang isa siyang bakla. Hindi ko alam kung totoo iyon o niloloko niya lang kami, masyadong misteryoso sakin ang kanyang kasarian. Hindi ko malaman kung seryoso siya o hindi. Mahirap alamin dahil palagi siyang nakangiti.

Ayokong magbanggit ng pangalan dahil sa hindi ko namang gawain na ilantad ang pangalan ng isang tao sa mga blog katulad ng ganito. Kung dati ay hindi ko nakita ang mukha ng lalaking umakap sakin, ngayon ay natagpuan ko na siya. Pero, hindi pa ako ganoong kasigurado kung siya nga talaga iyon. Kailangan ko munang kumpirmahin para maliwangan ako, para hindi ko na isipin kung sino iyon. Alam kong hindi na importante pang malaman kung sino ang lalaking iyon dahil isa lang naman iyong panaginip. At iba ang panaginip, hindi siya realidad. Magkaiba sila. At hindi maaaring magkatotoo ang panaginip dahil mga bagay lang naman iyon na tumatakbo sa ating isipan sa tuwing tayo ay natutulog. Naguguluhan ako, ayoko nang mag-isip dahil nakakapagod isipin siya...panaginip lang iyon, walang katotohanan, ngunit bakit ganito? Bakit ako naaapektohan?