Saturday, November 6, 2010

Apektado

Noong isang gabi, muli akong nanaginip at sa panaginip kong iyon, muli ay mayroong yumakap sa akin na lalaki ngunit ngayon ay nakita ko na ang mukha niya. Maputi, medyo payat, bilugan ang mga mata, mahahaba ang daliri, matangkad, katamtaman ang laki ng katawan at may itsura. Kilala ko siya dahil kaklase ko siya ngayong 1st year ako, may pagkamakulit siya, masayang kasama minsan ngunit ang hindi ko malaman sa sarili ko ay kung bakit naiinis ako sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama sa akin, hindi naman niya ako inaasar ngunit naiinis ako sa kanya. Sabi nga sa akin ng nanay ko, baka raw may lihim na pagtingin ako sa kanya ngunit alam ko sa sarili ko na wala. Wala akong gusto sa kanya, dahil sinasabi niyang isa siyang bakla. Hindi ko alam kung totoo iyon o niloloko niya lang kami, masyadong misteryoso sakin ang kanyang kasarian. Hindi ko malaman kung seryoso siya o hindi. Mahirap alamin dahil palagi siyang nakangiti.

Ayokong magbanggit ng pangalan dahil sa hindi ko namang gawain na ilantad ang pangalan ng isang tao sa mga blog katulad ng ganito. Kung dati ay hindi ko nakita ang mukha ng lalaking umakap sakin, ngayon ay natagpuan ko na siya. Pero, hindi pa ako ganoong kasigurado kung siya nga talaga iyon. Kailangan ko munang kumpirmahin para maliwangan ako, para hindi ko na isipin kung sino iyon. Alam kong hindi na importante pang malaman kung sino ang lalaking iyon dahil isa lang naman iyong panaginip. At iba ang panaginip, hindi siya realidad. Magkaiba sila. At hindi maaaring magkatotoo ang panaginip dahil mga bagay lang naman iyon na tumatakbo sa ating isipan sa tuwing tayo ay natutulog. Naguguluhan ako, ayoko nang mag-isip dahil nakakapagod isipin siya...panaginip lang iyon, walang katotohanan, ngunit bakit ganito? Bakit ako naaapektohan?

No comments:

Post a Comment